KINAKAILANGAN nang gamitan ng kamay na bakal sa pagdidisiplina sa mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) at sa Land Transportation Office (LTO), na tila pagpapahirap sa mamamayan partikular sa mga kumukuha ng lisensya at nagpaparehistro ng sasakyan dahil sa kanilang hindi risonableng mga sinisingil na napatunayang para lang pala sa kanilang pagkaperahan.
Nabisto ang napakalaking dilihensya ng DOTr at LTO sa naudlot na Motor Vehicle Inspection System (MVIS) na pwersahang ipatutupad sana nina Sec. Athur Tugade at LTO chief Edgar Galvante, pero pinigilan ni Presidente Rodrigo Roa Duterte, nang magkaroon ng public uproar.
Inobliga ng LTO na magsagawa muna ng motor vehicle inspection bago maiparehistro para sa matiyak ang roadworthiness nito at maiwasan ang disgrasya sa mga lansangan. Ang motor vehicle inspection ay isasagawa sa private motor vehicle inspection centers na maningili ng P1,800 para sa mga pribadong sasakyan.
Pero pumayag ang private inspections centers na ibaba ang kanilang singil sa P600 lamang kaya ang tanong ng lahat ay kanino mapupunta ang P1,200 na ibinawas sa gustong ipatupad ng DOTr at LTO. Buking sila na sa kanilang bulsa lamang pala mapupunta ang naturang halaga.
Nauna rito ay ipinatupad ng LTO ang mas mataas at mas mahigpit na pagkuha ng student permit, non-professional at professional driver’s licenses. Mas mahal na nga ay napakahirap pa dahil sa mga seminar at iba pang mga requirements.
Maganda sana ang layunin dito ng LTO, pero kung idadaan sa fixers ang pagkuha ng lisensya ay napakadali nito. Wala nang seminar at mapapabilis pa ang pagkuha ng lisensya ng mga fixer.
At kunwari o drama lang ng LTO officials ang pagtataboy ng fixers sa kanilang mga tanggapan dahil napakarami nito sa lahat ng tanggapan ng LTO sa buong bansa.
Hindi kailan mawawala ang fixers sa LTO dahil sila ang nagbibigay ng karagdagang pera sa mga tauhan nireng graft-riddeng government agency.
Kaya habang nakapaligid ang fixers sa LTO ay walang saysay ang paghihigpit nito sa mga gustong kumuha ng lisensya.
At ang mangyayari ay mas lumalaki lamang ang pandurugas ng mga tiwali sa naturang ahensya.