MAHAHARAP sa jail term ang ilang matataas na opisyal ng Manila Electric Company o Meralco, makaraang magsampa ng ksong kriminal si veteran newsman at Primo Newsweek online columnist Eduardo “Dodo” Rosario, Jr., laban sa kanilang dahil sa tinaguriang “bills shock” na gumimbal sa bansa partikular na sa mga Meralco customers dahil sa biglaang pagtaas ng singil nito sa kuryente habang nasa ilalim ng community quarantine ang buong bansa dahil sa nakamamatay na COVID-19.

Nagsampa si Rosario ng kasong paglabag sa Articles 286 (grave coercion) at 287 (unjust vexation) sa ilalim ng Revised Penal Code; paglabag sa Republic Act No. 7610 (child abuse); at Republic Act No. 9994 (senior citizens act), laban kina Meralco chairman Manuel V. Pangilinan, presidente nito na si Atty. Ray Espinosa at iba pang opisyal, dahil umano sa pagputol ng power supply sa kanilang bahay habang nakabimbin pa ang kanyang reklamong overcharging sa Energy Regulatory Commission (ERC).

Sa kanyang Complaint-Affidavit, sinabi ni Rosario, na nagsusulat rin ng column sa isa pang weekly weekly paper, na dati ay umaabot lamang sa P4,500.00 ang kanilang Meralco bill na biglang tumaas sa buwan ng Abril hanggang sa Setyembre, habang grounded ang lahat ng meter reader ng electric company dahil sa pandemic.

Ayon sa kanya, umabot sa mahigit P6,500.00, ang sinisingil ng Meralco sa kanilang electric consumption, na sinisigurong niyang sumobra sa kwenta.

Sinabi n’ya na sinulatan ng kanyang misis na si Myrna Rosario, ang rehistradong customer, noong Agosto 17, 2020, ang Meralco Bacoor Business Center, at hiniling na muling kwentahin ang kanilang monthly bills dahil sa sobrang taas nito.

Dahil sa hindi inaksyonan ng Meralco ang kahilingang muling kwentahin ang mataas na monthly bills ay nagsampa ng kaso si Rosario, sa ERC at hiniling na mag-isyu ito ng order para pigilan ang electric company na putulin ang kanilang power supply hanggang sa hindi ito magsagawa ng recomputation ng kanilang mataas na bills. Pinadalhan umano niya ng kopya ng kanyang reklamo ang Customer Welfare Desk (CWD) ng Meralco dahil sa ito ang requirement sa pagsampa ng kaso para makapag-rekomenda ito ng settlement.

Sa halip na ayusin ng CWD ang kaso o abisuhan ang Bacoor Business Center na magsagawa ng kaukulang recomputation ng bills nina Rosario, ay pilit siyang sinigil at pinutol ang kanyang power supply noong Enero 29, habang ang kanyang mga menor de edad na apo ay nasa online class at habaang siya ay gumagawa ng online news at iba pa gamit ang kuryente.

“Mayroon ngang karapatan ang Meralco na maningil ng bayad sa kuryente pero ang karapatang iyon ay suspendido dahil sa isinampa kong reklamo sa ERC.Anim na buwan ang inilagay ko sa aking reklamo sa ERC na mataas ang singil, pero 3-buwan nito ang isinama sa kanilang sapilitang pagsingil.” ayon kay Rosario.

“Gayunpaman, ang 3-buwan na kasama sa aking reklamo sa ERC ay hindi nila isinama sa kanilang paniningil dahil sa aminado silang suspensido ang kanilang karapatang maningil lalo na mamutol ng kuryente dahil sa nakabimbim ng kaso sa ERC,” dagdag ni Rosario.

Sinabi pa ni Rosario na sadyang isinama ng Meralco sa kanilang siningil sa kanya ang 3-buwan na kasama sa kanyang ERC complaint para maipakita na tinatanggap n’yang tama ang singil nila dahil sa nagbayad siya.

“Akala ng Meralco ay maloloko nila ako sa kanilang masamang istilo. Sa halip na ayusin nila ang kanilang sinisingil ay nanloloko pa sila dahil nga sa gustong nilang kumita sa pamamagitan ng panloloko sa kanilang customers,” paliwanag ni Rosario.

Sinabi pa ni Rosario na napilitan siyang pumunta sa tanggapan ng Meralco para bayaran ang pilit umanong siningil sa kanya kaya inilagay nitong electric company ang kanyang buhay at kalusugan sa peligro na mahawa ng COVID-19.

Umabot umano siya ng 2-oras sa tanggapan ng Meralco dahil ang priority lane lamang ay para sa mga nagbabayad at wala sa iba pang serbisyo nito sa mga customer.

“Napahiya at naperwisyo kami kasama na ang pag-aaral ng mga bata dahil sa harassment ng Meralco, at nailagay pa sa peligro ang aking buhay na madaling mahawa ng virus dahil sa aking edad na 65-anyos at diabetic bukod sa high blood, pero naobliga akong magpunta sa Meralco para magbayad at maikabit na an gaming kuryente na kailangan naming lalo nan g mga bata na nag-aaral online.”ayon kay Rosario.

Bukod sa kasong kriminal ay inihahanda na rin ni Rosario ang isasampa niyang civil case para sa moral, exemplary at iba pang danyos. (SYC)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *